Para Sa’yo, Aking Ama

Tatlumpung-isang taon na ang nakakaraan…
Ng ika’y maging isang ganap na ama ng tahanan.
Tuwa at galak na naramdaman,
Sa unang pagkakataon, noon pa lamang.

Tatlong taon mula noon…
Iyong hinarap isang malaking hamon.
Paa’y napadpad sa dako paroon,
Upang iyong kabiyak at anak ay di magutom.

Sa kamay ng mga Arabo, ikaw ay nagsilbi.
Pawis at pangungulila, hindi atubili.
Labing-pitong taong nakalipas, ika’y nagbalik.
Sa piling ng iyong pamilyang, lubos ang pananabik.

Panahong sinubok, pagsasamang pinagtibay.
Sa mga pagsubok, di nagkawalay-walay.
Tatag at pagmamahal, sadyang malakas.
Kahit anong unos, siguradong makakatakas.

Sa aking alaala, pilit na nagbabalik.
Tulang iyong nilikha, di maalis sa aking isip.
Isang walang katumbas na “pabaon”,
Noong ako’y labing-walong taon.

Ngayon ay araw mo, aking mahal na ama,
Walang mahihiling pa, wala na, wala na…
Sa patuloy mong pagtaguyod, gabi ay ginagawang araw.
Kung muli akong mabubuhay, pipiliin pa rin ay ikaw.

Originally posted here.

One Response to “Para Sa’yo, Aking Ama”

  1. ganda naman ng poem na yan! wish i could have ur dad too………….

Leave a Reply